Daughters of Saint Paul

Setyembre 30, 2017 SABADO sa Ika-25 Linggo ng Taon

 

Zec 2:5-9.14-15a Jer. 31:10.11-12ab.13 Lk 9:43b-45

Lc 9:43b-45

Nang lubos na nagtataka ang lahat dahil sa mga ginagawa ni Jesus, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Itanim n’yong mabuti sa inyong pandinig ang mga kataga kong ito: ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao.” Hindi nila naintindihan ang pahayag na ito at nalingid ito sa kanila upang hindi nila maunawaan. At takot naman silang magtanong sa kanya tungkol sa pahayag na ito.

PAGNINILAY

Sa panahon natin ngayon, kapansin-pansin na marami sa’tin ang allergic sa paghihirap.  Kung pwede nga lang huwag na tayong maghirap. Kaya nga maraming nagsisulputang mga produkto, na ang layunin mapadali ang mga gawain, at maibsan ang paghihirap ng mga tao.  Nand’yan ang mga pagkaing instant; mga kagamitan tulad ng rice cooker, dish washer, washing machine at iba pa – na ang layunin, mapadali lahat ang pagsagawa ng trabaho.  Hindi naman masama ang pagkakaroon ng mga kagamitang ito o ang pagtangkilik sa produktong instant.  Kaya nga lang, ang labis na naapektuhan ang pag-unawa natin sa paghihirap.  Dahil nasanay tayo sa kulturang lahat madali, at lahat minamadali – marami sa’tin ang nawalan na ng tiyagang maghintay, lalo na, maghirap. Parang ang tingin natin sa paghihirap, parusa na nagmumula sa Diyos.  Kaya, madalas sa ating dasal – isinasamo nating iadya tayo sa mga paghihirap dulot mabibigat na pagsubok sa buhay.  Mga kapatid, ang paghihirap isang katotohanang hindi maiiwasan.  Dumarating ito sa ating buhay sa iba’t ibang kaparaanan: pisikal na paghihirap dala ng karamdaman, emosyonal na paghihirap sa tuwing may problema sa relasyon at di pagkakaintindihan; materyal na paghihirap dulot ng kakulangan sa buhay; espiritwal na paghihirap sa tuwing binabagabag ang ating konsensiya dahil sa kasalanan, at marami pang iba.  At ang mga paghihirap na ito nagdudulot sa’tin ng labis na kalungkutan.  Pero inaanyayahan tayo ng ebanghelyo ngayon, na harapin ang katotohanan tungkol sa paghihirap, huwag masisiraan ng loob at patatagin ang ating pag-asa.  Ang Panginoon ang ating huwaran sa bukas-loob na pagtanggap ng paghihirap at pagpapakasakit para tupdin ang kalooban ng Ama.  Bukas-loob Niyang niyakap ang paghihirap, alang-alang sa pagmamahal sa’ting lahat.  Hindi man tayo karapatdapat pag-alayan ng buhay dahil sa kasalanan, pero inalay pa rin ang Kanyang buhay dahil sa dakilang pag-ibig Niya sa’tin.  Mga kapatid, totoong hindi madali ang maghirap at magpakasakit kung walang pag-ibig.  Walang ring kabuluhan ang paghihirap kung tinutupad lamang ito dahil sa obligasyon.  Panginoon, tulungan Mo po akong matularan kita Sa’yong pagpapasan ng krus nang may pagmamahal.  Amen.