Home
About Us
Services
Products
Bookstores
Vocations
Collaborators
Pauline Family
Link


Download WINAMP

 

Agosto 01, 2010 – Ikalabing-Walo na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ecc 1:2;2:21-23 * Salmo 95 * Col 3:1-5,9-11 * Lk 12:13-21

 

Lk 12:13-21

Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan: "Guro, sabihin mo nga sa aking kapatid na hatian ako ng mana." Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: "Kaibigan, sino ang nagtalaga sa akin bilang hukom o tagapaghati n'yo?" At sinabi niya sa mga tao: "Mag-ingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kanyang mga ari-arian nakasalalay ang kanyang buhay." At idinagdag ni Jesus ang isang talinhaga: "May isang taong mayaman na maraming tinubo sa kanyang lupain. Kaya nag-isip-isip siya: 'Ano ang gagawin ko? Wala man lang akong mapagtipunan ng aking ani.' At sinabi niya: 'Ito ang gagawin ko, gigibain ko ang aking mga bodega at magtatayo ako ng mas malalaki; doon ko titipunin ang lahat kong trigo at ang iba pa. At masasabi ko na sa aking sarili: Kaibigan, may marami kang ari-ariang nakalaan para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magsaya.' "Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos: 'Hangal! Sa gabi ring ito, babawiin sa iyo ang iyong buhay. Mapapasakanino na ang iyong inihanda?' Gayon din ang masasabi sa sinumang nag-iimpok ng yaman para sa kanyang sarili at walang tinutubo para sa Diyos."


PAGNINILAY

Mga kapatid, ipinakilala sa Ebanghelyong ating narinig ang isang taong mayaman. Walang ginawa ang taong ito kundi palaguin ang kanyang kayamanan at itago ito sa kanyang tahanan. Pero sa huli, tinawag siyang hangal ng Panginoon, dahil sa kanyang kamatayan, nakita niya ang lahat ng kanyang inimpok at pinaghirapan, maiiwan lamang. At ang pinakamasaklap na katotohanan, wala siyang dala-dala para sa Diyos. Wala siyang masasabing kayamanang walang hanggan - na siyang totoong pinahahalagahan sa Langit. Sa buhay mo ngayon kapatid, ano ba ang pinag-uukulan mo ng mas maraming panahon? Ang pagkamal ba ng makalupang yaman na hindi naman madadala sa oras ng kamatayan? Sinasabing ang mga ginagawa nating kabutihan araw-araw, ay mga materyales na iniipon natin sa lupa na siyang gagamitin sa pagbuo ng ating tahanan sa kabila. Sana sa araw-araw nating buhay unti-unti na tayong mag-ipon ng mga materyales na gagamitin sa pagbuo ng ating tahanan sa Langit. Manalangin tayo. Panginoon, kasihan mo po ako ng malawak na pang-unawa na hindi ang materyal na yaman ang magdadala sa akin sa buhay na walang hanggan kundi ang araw-araw na paggawa ng mabuti at pagtupad sa Iyong banal na kalooban. Amen.

 Bagong Umaga