Daughters of Saint Paul

Disyembre 24, 2016 – SABADO Huling Linggo ng Adbiyento / San Delfino

Lk 1:67-79

Napuspos ng Espiritu Santo si Zacarias at nagpropesiya nang ganito:

            Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,

                        dahil nilingap niya at tinubos ang kanyang bayan.

            Mula sa sabahayan ni David na kanyang lingkod,

                        ibinangon niya ang magliligtas sa atin,

            ayon sa ipinangako niya noong una

                        sa pamamagitan ng mga banal niyang propeta:

            kaligtasan mula sa ating mga kaaway at sa kamay ng mga

                        namumuhi sa atin.

            Nagpakita siya ng awa sa ating mga ninuno at inalaala ang banal niyang tipan,

            ang pangakong sinumpaan niya sa ating amang si Abraham

                        na ililigtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway,

                        upang walang takot natin siyang mapaglingkuran,

            nang may kabanalan at katarungan sa harap niya sa buong buhay natin.

            At ikaw naman na munti pang anak ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan.

            Mangunguna ka nga sa Panginoon para ihanda ang kanyang daan.

            Ituturo mo ang kaligtasan sa kanyang bayan sa pagpapatawad niya

                        sa kanilang mga sala.

            Ito ang gagawin ng maawain nating Diyos sa pagpapasikat niya sa atin

                        ng araw na galing sa kaitaasan.

            Upang liwanagan ang mga nananatili sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan,

                        at akayin ang ating mga yapak sa daan ng kapayapaan.

PAGNINILAY

Mga kapatid, sa simula pa, nag-alinlangan na si Zakarias kung maaari ngang magbuntis ang baog niyang asawang si Elisabet. Nang magduda siya sa plano ng Diyos, hindi siya nakapagsalita hangga’t dumating ang araw ng pagsilang kay Juan.  Ang awit ni Zakarias, nagpapahayag na ang Diyos na ating sinasaligan – Diyos na maaasahan. Tinutupad ng Diyos ang kanyang mga pangako sa kanyang mga dakilang tagasunod at abang lingkod. Sa muling pagsasalita ni Zakarias, hindi lamang natatapos ang kaparusahan o kadilimang dulot ng kawalan ng pag-asa. Kinakatawan din nito ang bagong pag-asang dala ng matibay na pananampalataya. Wika nga ni San Ambrosio, “may mabuting dahilan ang pagkalag ng dila ni Zakarias. Kinalag ng pananampalataya ang ibinuhol ng kawalan ng paniniwala.”  Mga kapatid, sa patuloy nating pakikibaka sa hirap ng buhay, pag-asa ang hatid ni Kristo. Nawa’y hindi tayo magpalupig sa kasalanan, sa mga samu’t saring alalahanin sa buhay, sa kawalan ng pag-asa. Ang lahat ng ito’y walang-wala sa katapatan at pagmamahal ng Diyos sa bawat isa sa atin. Abot-tanaw na natin ang liwanag ng bagong pag-asa. Huwag na tayong magkubli sa katahimikan, kadiliman, kasamaan, kawalan ng pananalig sa Diyos. Halina’t maghintay at umasa sa katapatan ng Diyos!