Daughters of Saint Paul

OCTOBER 26, 2020 – LUNES SA IKA-30 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 13:10-17

Nagtuturo si Jesus sa isang sinagoga sa Araw ng Pahinga, at may isang babae roon. Labingwalong taon na s’yang may espiritung nagbibigay-sakit; nagkakandakuba na s’ya at di makatingala. Pagkakita sa kanya ni Jesus, tinawag s’ya nito at sinabi: “Babae, lumaya ka sa iyong sakit”. Ipinatong nito sa kanya ang mga kamay at agad na nakatayo nang matuwid ang babae at nagpuri sa Diyos. Nagalit ang pinuno ng sinagoga dahil nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pahinga kaya sinabi n’ya sa mga tao: “May anim na araw para magtrabaho kaya sa mga araw na iyon kayo pumarito para mapagaling, hindi sa Araw ng Pahinga!” “Mga mapagkunwari, hindi ba’t kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang kanyang baka o asno mula sa sabsaban nito sa Araw ng Pahinga at inilalabas para painumin? At isang babae naman ang narito na Anak ni Abraham na labinwalong taon nang iginapos ni Satanas. Di ba siya dapat kalagan sa Araw ng Pahinga?” Napahiya ang lahat niyang kalaban pagkarinig sa kanya pero nagalak naman ang mga tao sa lahat ng kahanga-hangang ginagawa ni Jesus.

PAGNINILAY:

Puno ng pag-asa ang Ebanghelyong ating narinig, lalo na sa mga may sakit.  Paalala ito na huwag mawawalan ng pag-asa, sa halip patuloy na manalig sa kabutihang loob ng Diyos.   Katulad ng babae sa Ebanghelyo ngayon. Labingwalong taon ang kanyang ipinagtiis bago niya nakamit ang kagalingan mula sa kamay ng Panginoong Jesus. Ibinagsak siya ng espiritung nagbibigay-sakit, at hindi na siya halos makatayo ng tuwid.  Larawan din ito ng isang taong tila nalublob na sa kasalanan, na hindi na magawang makabangon sa pamamagitan ng kanyang sariling lakas lamang. Ang espiritung nagbibigay-sakit o ang kapangyarihan ng kadiliman ang nagdudulot ng panghihina ng espiritu at ng katawan, dahil dito isang biyayang nagpapakilos ang kailangan niya upang makabalik muli siya sa Diyos. Mga kapatid, ang kapangyarihan ng panalangin at ang pagtitiyaga ay mabisang paraan,  upang makamit ang kagalingan ng kaluluwa at katawan. Ngayong panahon ng pandemya, ang Panginoong Jesus na lamang ang ating inaasahang magpapalaya sa atin sa salot na covid-19 na ating pinagdadaanan. Siya lamang ang may ganap na kapangyarihan laban sa anumang karamdaman, kasamaan, at kawalang pag-asang ating nararanasan. Kaya’t ilapit natin sa Kanya ang hirap na ating pinagdadaanan sa ngayon bunga ng pandemya. At buong kababaang loob tayong magsumamo, Panginoon, hilumin nyo na po ang buong mundo sa sakit na covid, at pagalingin na ang mga may sakit nito.  Amen.