Daughters of Saint Paul

HULYO 11, 2020 – SABADO SA IKA-14 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO : Mt 10:24-33

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Hindi hihigit sa kanyang guro ang alagad, o higit sa kanyang amo ang utusan. Hangad lamang ng alagad na tularan ang kanyang guro, at ng utusan ang kanyang amo. Kung tinawag na Beelzebul ang may-ari ng bahay, ano pa kaya ang kanyang mga kasambahay! Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang tinatakpan na di nabubunyag at walang natatago na di nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ipahayag ninyo sa liwanag. Ang narinig ninyo nang pabulong, ipahayag mula sa bubong. Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Nabibili ang dalawang maya kahit na sa ilang sentimo, wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya. Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Seminarian Braindel Rene Cabanog ng Diocese ng Paranaque ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Higit pa sa sapat. Naging mentalidad ko ito para marami akong ma-please na tao. Dapat marami akong alam na life skills. Dapat marami akong nakahandang plano. Dapat marami akong likes at comments sa social media. Sa isang banda, masarap sa pakiramdam ang ma-affirm ng ibang tao. Pero kung titingnan mong maigi, nandoon din yung takot na baka tayo’y maubusan, o mawalan. Kung patuloy lang tayong mabubuhay sa ganitong pag-iisip, magiging bihag tayo ng ating takot at ng mapanghusgang lipunan. Mga kapanalig, inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo ngayong araw, na matuto tayong mamuhay nang sapat. Marami man tayong plano o hangarin, hayaan nating si Jesus ang pumuno ng mga ‘to, para maging tunay tayong malaya gaya ng mga ibon. Para hindi tayo matakot kahit kanino. Ang ating Mahal na Ina ay puno ng grasya dahil sapat na ang Diyos sa kanyang buhay. Wag tayong matakot na mamuhay ng sapat. Piliin natin lagi ang Diyos araw-araw.