Daughters of Saint Paul

HULYO 10, 2020 – BIYERNES SA IKA-14 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO : Mt 10:16-23

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Isinusugo ko kayo ngayon na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Maging matalino nawa kayo gaya ng mga ahas at walang-malay ng parang mga kalapati. Mag-ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano. Pag iniharap naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo. Ipapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit sa pananatili lamang ninyong matatag hanggang wakas kayo maliligtas. Kung uusigin kayo sa isang bayan, tumakas kayo at pumunta sa kabilang bayan. Sinasabi ko sa inyo, bago ninyo matapos daanan ang lahat ng bayan sa Israel, darating na ang Anak ng Tao.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Vhen Liboon ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Sa social media, kapag nagpahayag ka ng opinyon na taliwas o hindi popular sa pananaw ng karamihan maaari kang matuligsa o ma-“bash”. Kaya hindi madaling maging mga tagasunod ni Jesus sa panahon natin ngayon. Sa dami ng mga taong nagki-claim na totoo ang kanilang mga sinasabi, mahirap nang malaman kung alin na nga ang totoo at hindi. Sa dami ng mga information na available sa atin ngayon, marami na rin ang nagki-claim na alam na nila ang lahat kaya ano pa ang maaari mong sabihin sa kanila na makadaragdag pa sa kanilang buhay espiritwal? Siguro ang kailangang marinig ng mga tao ngayon ay hindi ang mga teknikal na bagay tungkol sa ating pananampalataya kundi ang buhay na pagpapatotoo sa Mabuting Balita. Ibig sabihin, ang buhay natin mismo ang magsisilbing paalala sa mga taong naliligaw ng landas na totoo at nananatili ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos para sa ating lahat. Maging mabubuting Kristiyano lang tayo. Iyan lang, sapat na.