Daughters of Saint Paul

HULYO 9, 2020 – HUWEBES SA IKA-14 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO : Mt 10:7-15

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang Kaharian ng Langit. Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Ibigay n’yo nang walang bayad ang tinanggap n’yo nang walang bayad. Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod sapagkat nararapat ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay. Pagdating n’yo sa isang bayan o baryo, maghanap ng isang taong karapat-dapat at sa kanya makituloy hanggang sa inyong pag-alis. Pagpasok n’yo sa isang tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. Kung karapat-dapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal n’yo; kung hindi naman karapat-dapat, babalik sa inyo ang inyong dasal. At kung may bahay o bayang hindi tatanggap sa inyo o makikinig sa inyong mga salita, lumabas sa bahay o bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa. Sinasabi ko sa inyo, mas magiging magaan pa sa araw ng paghuhukom para sa mga taga-Sodom at Gomorra kaysa bayang iyon.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Pangaral ng aking tatay na laging hangarin ang kabutihan ng tao. Hangarin ang kabutihan ng sarili. Hangarin ang anumang makakabuti sa ating kapwa. Ito din ang natutuhan ko sa loob ng kumbento noong nasa formation years pa lang kami. Ang pagdalaw namin sa mga bahay-bahay ay iniisip ko din na pagdalaw ni Mama Mary sa kanila. Sabi ng formator namin, sa pagdalaw namin sa mga tao, laging magdasal kay Mama Mary na pangunahan kami at ihanda ang puso ng mga taong bibisitahin namin. Merong maayos ang pagtanggap sa amin. Madalas nakakadalaw kami sa mga may sakit at matatanda. Napakagandang karanasan ang makita sa mukha ng matatanda ang tuwa dahil nadalaw sila ng mga madre. Sa pagmimisyon, hindi ko na masyadong binibigyang pansin ang mga hindi tumatanggap sa‘min sa kanilang bahay. Ang mas mahalaga ay nakapagbigay kami ng konting kaligayahan sa mga may sakit at matatanda na aming nadalaw. Kung baga, naghahasik lang kami ng Salita ng Diyos, at Diyos na din ang bahalang magpayabong nito. Pagpalain tayong lahat ng Diyos. Amen, Amen