Daughters of Saint Paul

HULYO 7, 2020 – MARTES SA IKA-14 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO : Mt 9:32-38

May nagdala kay Jesus ng isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo. Nang mapalayas niya ang demonyo, nakapagsalita ang pipi kaya namangha ang mga tao at kanilang sinabi: “Wala pang nangyaring ganito sa Israel.” Ngunit sinabi naman ng mga Pariseo: “Nagpalayas siya ng demonyo sa tulong ng pinuno ng demonyo.” At nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin n’yo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Lou Ranara ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Magsasaka ang tatay ko kaya pamilyar ako sa hirap ng buhay ng  mga magsasaka. Kapag nadaanan ng bagyo ang mga palay na malapit nang anihin, natutumba ang mga ito at nahihiga na sa lupa.Konti na lang ang gustong umani kapag ganito ang sitwasyon dahil talagang kailangang yumuko hanggang maabot ang nakahigang palay. Dahil dito kami ang pinapapunta ng tatay para tumulong sa pag-ani. Sayang daw kasi. Ganito rin marahil ang naramdaman ni Jesus nang makita niya ang mga tao na parang mga tupa na walang pastol. Nakita sa kanila ni Jesus ang isang malaking ani para sa langit pero kung walang gagabay at aakay sa kanila, baka mapariwara ang ilan at mapunta pa sa kaaway. Sayang. Mga kapanalig, ganito kamahal at kahalaga sa Diyos ang bawat isa sa atin. Ayaw Niyang may mawala kahit isa sa atin. Kaya mahalagang magdasal tayo na dumami pa ang tutugon sa tawag ng Diyos na magpari, magmadre at lay missionary, mga taong handang magsakripisyo at kalimutan ang sarili upang maglingkod sa Panginoon at sa kanyang bayan. Mahalaga rin na maging pastol tayo sa bawat isa upang matiyak na wala kahit isang maliligaw ng landas sa atin. Magsilbi sana tayong tanglaw at gabay sa bawat isa.