Daughters of Saint Paul

HULYO 5, 2020 – IKA-14 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (A)

EBANGHELYO : Mt 11:25-30

Nagsalita si Jesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak. Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin na mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Vhen Liboon ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Ano ang kaibahan ng matatalino sa mga taong may kaloobang tulad sa isang bata? Maraming bagay ang nalalaman ng mga taong matatalino, dahil dito, hindi nila maiwasang bumilib sa kanilang sariling kakayahan, samantalang ang taong may kaloobang tulad sa isang bata ay nakababatid na may mga bagay na hindi nila nalalaman at bukas sila sa pagtanggap ng tulong sa mga taong higit na nakakaalam. Kababaang-loob at pagtitiwala, iyan ang mga katangian ng isang bata! At ang mga katangiang yan ang dahilan kung bakit mas mabilis na naunawaan at natanggap ng mga piniling alagad si Jesus at ang Mabuting Balitang ipinahayag niya. Inaanyayahan din tayo ng Panginoon sa Mabuting Balita ngayon na lumapit sa kanya, tayong lahat na nahihirapan at nabibigatan sa ating mga pasanin. Maaaring magtagal pa ang banta at epekto ng Covid 19 sa ating buhay. Marami pang hirap at pangamba ang mararamdaman natin bago makababalik sa normal ang ating pamumuhay. Ipanalangin natin na patuloy tayong gabayan ng pagmamahal ng Diyos at patuloy tayong lumapit sa kanya upang makatagpo ng kapanatagan ng kalooban at kapahingahan ng kaluluwa sa kabila ng nakaambang pagsubok ngayon at sa hinaharap. Amen.