Daughters of Saint Paul

HUNYO 9, 2020 – MARTES SA IKA-10 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 5:13-16

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat na muli? Wala na itong silbi. Itatapon na lamang at tatapakan ng mga tao. Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lunsod na itinayo sa tuktok ng bundok. Hindi rin sinisindihan ang ilaw para takpan ang kahon, sa halip ay nilalagay ito sa isang lampara at tumatanglaw sa lahat ng nasa bahay. Gayundin naman ang inyong liwanag sa paningin ng mga tao; at makikita nila ang inyong mabubuting gawa at pupurihin nila ang inyong Amang nasa Langit.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Paano ba maging asin ng lupa at ilaw ng daigdig? Mga kapatid, alam natin na kapag nilagyan ng asin ang pagkain, lalo na ang ulam gaya ng karne at isda hindi agad ito nasisira. Salt preserves our food. Nagbibigay rin ng lasa ang asin. Ganito rin ang isang tagasunod ni Kristo. We preserve the teaching of Christ from the corruption of worldliness. Inaalagaan natin ang mga turo ni Kristo, upang patuloy itong magbigay ng kahulugan sa ating buhay. Sa panahon ng kalamidad o pandemic, patuloy tayong magsisilbing ilaw ng daigdig, na puno ng pasakit at panaghoy. Pero, paano kung tayo na ang mawalan ng ilaw at saysay ang buhay? Kagaya tayo ng balo sa Unang Pagbasa na nawalan na ng pag-asa? Handa na sila ng anak nya na mamatay, dahil ubos na ang kanilang imbak na trigo at langis. Si Elias, dala ang Mabuting Balita ng Panginoon, ang nagsilbing liwanag sa kanilang mundo; ang bumuhay sa kanilang dumidilim na pag-asa at nagbigay ng kahulugan sa buhay. Sana, maging kagaya rin tayo ni Elias, tagahatid ng pag-asa, ilaw at kahulugan, sa buhay ng ating kapwa. Mangyayari lamang ito, kung nakaugat tayo sa Liwanang ni Jesus, at humuhugot ng kahulugan ng buhay, sa buhay paglilingkod ng Panginoong Jesus. Kaya saludo po ako sa ating mga frontliners; patuloy nilang inaalay ang kanilang buhay sa paglilingkod, kahit alam nilang mapanganib. Sila at ang mga nagkakawang-gawa nating mga kababayan, ang mga ilaw na tumatanglaw sa madilim na mundo ng mga biktima ng COVID 19, at ng kani-kanilang pamilya. Hingin natin sa Diyos ang biyaya ng pagiging ilaw at asin sa bawat isa at sa buong mundo.