Daughters of Saint Paul

HUNYO 3, 2020 – MIYERKULES SA IKA-9 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mk 12:18-27

Lumapit kay Jesus ang mga Sadduseo. Sinasabi ng mga ito na walang pagkabuhay na muli kaya nagtanong sila: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may magkakapatid na lalaki at mamamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa upang magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kaya kinuha ng ikalawa ang kanyang asawa, at namatay ring walang anak. Ganito rin ang nangyari sa pangatlo. Silang pito nga ay namatay nang hindi nagkaanak. At sa huli’y namatay din ang babae. Ngayon, sa muling pagkabuhay—kung mabubuhay silang muli—kanino sa pito siya magiging asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.” At sumagot si Jesus: “Hindi kaya bunga ng hindi ninyo pagkaunawa sa Kasulatan at sa kapangyarihan ng Diyos ang inyong pagkakamali? Sa muling pagkabuhay nga nila, hindi na mag-aasawa ang lalaki o babae kundi para na silang mga anghel sa Langit. At tungkol naman sa mga patay at sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo ba inunawa ang sinabi sa inyo ng Diyos sa aklat ni Moises, sa kabanatang palumpong: “Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob”? Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay. Maling-mali kayo.” 

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Naalala ko ang isa sa mga katanungan namin noong nag-aaral pa kami ng teyolohiya. Ano nga ba ang magiging anyo natin sa muling pagkabuhay? Ito ba yung anyo natin nung mamatay tayo? Paano naman pala yung namatay sa aksidente? O ito yong pinakamaayos nating anyo nang nabubuhay pa tayo? Sa Mabuting Balita natin ngayon, binibigyan tayo ni Jesus ng clue tungkol sa kabilang buhay. Sabi sa verse 25, “sila ay matutulad sa mga anghel sa langit”. Ano ba ang mga anghel? Una immortal sila! Pangalawa, kapiling sila ng Diyos at nagbibigay papuri!  Kung ganon, sa kabilang buhay pala, maligaya tayo sa piling ng Panginoon. Kaya hindi na hahangarin ng sinuman ang anupamang bagay gaya ng pag-aasawa. Sapat na ang Diyos, upang maging masaya ang sinumang mapupunta doon sa kanyang piling. Kaya sabi sa verse 6 ng unang pagbasa, “paningasin mo ang kalooban ng Diyos sa inyo”. Kung laging nag-aalab ang ating puso sa pagmamahal ng Diyos, tiyak na maayos lagi ang ating relasyon sa lahat.