Daughters of Saint Paul

MAY 27, 2020 – MIYERKULES SA IKAPITONG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 17:11-19

Tumingala si Jesus sa Langit at nagsalita: “Wala na ako sa mundo, ngunit nasa mundo pa sila habang papunta ako sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa Ngalan mo na ipinagkaloob mo sa akin, upang maging isa sila gaya natin. “Nang kasama nila ako, iningatan ko sila sa Ngalan mo at pinangalagaan ko sila at wala sa kanilang napahamak maliban sa nagpahamak sa kanyang sarili; marapat ngang maganap ang Kasulatan. At ngayon, bago ako pumunta sa iyo, sinasabi ko ito sa mundo upang malubos sa kanila ang aking galak. “Ipinagkaloob ko sa kanila ang iyong salita at napoot sa kanila ang mundo sapagkat hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa mundo, kundi pangalagaan mo sila sa masama. “Hindi sa mundo sila galing, gaya nang hindi ako sa mundo galing. Pabanalin mo sila sa katotohanan. Ang wika mo ay katotohanan. Kagaya nang ako’y sinugo mo sa mundo, gayundin naman sinugo ko sila sa mundo. At alang-alang sa kanila’y pinababanal ko ang aking sarili, upang pati sila’y pakabanalin sa katotohanan.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Isang napakagandang panalangin ang napakinggan natin sa Ebanghelyo ngayon. Napapaloob dito ang mga kahilingan ni Hesus sa Ama para sa ating kabutihan; gaya ng alagaan at ingatan tayo sa masama. Hangarin ni Hesus na maging kaisa nila tayo ng Ama at maging ganap ang ating kagalakan. Magkahalong tuwa at lungkot ang naramdaman ko habang binabasa ko ito. Tuwa, dahil nakatitiyak tayong di tayo pababayaan ng Diyos. Lungkot, dahil naramdaman ko na isa itong habilin ng isang malapit nang umalis. Kung itutuloy natin ang pagbabasa ng Ebanghelyo ni San Juan sa susunod na chapter huhulihin na si Hesus at huhukuman ni Pilato. Mga kapanalig, nanininwala akong hanggang ngayon, ramdam pa rin natin ang bisa ng panalanging ito. Totoo, maraming mga alagad ng Diyos ang inaaway o inaalipusta tuwing maninindigan sa katotohanan, may mga nakakasuhan at napadadalhan ng subpoena subalit hindi kailaman ipinahihintulot ng Diyos na mapahamak ang kanyang alagad. Kahit yong mga alagad ng Diyos na namatay dahil sa paninindigan sa katotohanan at pananampalataya, hindi pa rin natin masasabing pinabayaan sila ng Panginoon. Ang dugo ng mga martir ang dumidilig sa lupa upang sumibol ang isang mas malalim na pananalig sa Diyos. Panindigan sana natin ang pagtatalaga sa atin sa katotohanan.