Daughters of Saint Paul

MAY 26, 2020 – MARTES SA IKAPITONG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 17:1-11

Tumingala si Jesus sa Langit at nagsalita: “Ama, sumapit na ang oras. Luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang makaluwalhati sa iyo ang Anak; ipinagkaloob mo nga sa kanya ang kapangyarihan sa bawat tao at gusto mong pagkalooban niya ng walang hanggang buhay ang lahat ng bigay mo sa kanya. Ito naman ang buhay na walang hanggan: ang kilalanin ka, ang tanging totoong Diyos at ang sinugo mong si Jesucristo. “Niluwalhati kita sa lupa, ginanap ko ang trabahong ipinagawa mo sa akin. At ngayon, luwalhatiin mo ako, Ama, at ibigay sa akin na katabi mo ang luwalhating akin sa tabi mo bago pa man nagkaroon ang mundo. “Ipinahayag ko ang pangalan mo sa mga taong kinuha mo sa mundo at ipinagkaloob sa akin. Iyo sila at sa akin mo sila ipinagkaloob, at tinupad nila ang iyong salita. At nakilala na nila na sa iyo galing ang lahat ng ipinagkaloob mo sa akin. Talaga, ipinagkaloob ko sa kanila ang mga salitang ipinagkaloob mo sa akin, at tinanggap nila at kinilalang tunay na sa iyo ako galing, at naniwala sila na ikaw ang nagsugo sa akin. “Ipinagdarasal ko sila. Hindi ang mundo ang ipinagdarasal ko kundi ang mga ipinagkaloob mo sa akin dahil iyo sila. Iyo ang lahat sa akin, at akin din naman ang sayo, at naluwalhati ako sa kanila. Wala na ako sa mundo, ngunit nasa mundo pa sila habang papunta ako sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa Ngalan mo na ipinagkaloob mo sa akin, upang maging isa sila gaya natin.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Vhen Liboon ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Mission accomplished! Natapos na nga ni Jesus ang misyong ibinigay sa kanya ng Diyos Ama. Masaya niyang ibinida sa Ama kung paano tinanggap at tinupad ng mga alagad ang mga salitang ipinahayag niya. Naniniwala siya na nauunawaan ng mga alagad na siya at ang Ama ay iisa. Dahil dito inaasahan niyang sila man ay magkaisa kung paanong ang Anak at Ama ay iisa. Bagama’t nananabik na si Jesus na makabalik sa tabi ng kanyang Ama, hindi pa rin niya maiwasang mag-alala para sa mga iiwanan niyang mga alagad. Bilang mga makabagong alagad ni Jesus, kasama tayong ipinagsusumamo niya sa kanyang Ama upang gabayan at ingatan. 

PANALANGIN:

Panginoong Jesus, batid namin na ang pag-aalalang naramdaman mo ay hindi lang para sa iyong mga alagad kundi lalo na para sa aming mga nabubuhay sa kasalukuyang panahon kung saan malakas ang nagiging epekto ng social media sa aming pananaw sa mundo, at sa aming buhay-espiritwal. Tulungan mo kaming maging matatag at patuloy na manindigan para sa katotohanan. Amen.