Daughters of Saint Paul

MAY 25, 2020 – LUNES SA IKAPITONG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 16:29-33

Sinabi ng mga alagad kay Jesus: “Talaga, tahasan ka nang nangungusap ngayon, at hindi na sa paghahambing nagsasalita. Alam na namin ngayon na alam mo ang lahat at hindi mo kailangang may magtanong pa sa iyo. Dahil dito kaya kami naniniwala na sa Diyos ka galing.” Sumagot sa kanila si Jesus: “Naniniwala ba kayo ngayon? Narito’t parating ang oras at sumapit na upang mangalat kayo—ang bawat isa sa kanya-kanyang sarili—at ako naman ay iiwan n’yong nag-iisa. Ngunit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. “Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang sa akin kayo magkaroon ng kapayapaan. Nagdadalamhati kayo sa mundo subalit lakasan n’yo ang loob, nagtagumpay ako sa mundo.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. “Nagdadalamhati kayo sa mundo pero lakasan ninyo ang loob, nagtagumpay ako sa mundo.”  Ito ang mga salita ng Panginoon na lagi kong inuulit-ulit sa aking isip, kapag dumaranas ako ng problema sa buhay. Lakasan ang loob, nagtagumpay ako sa mundo. Noong nakaraang buwan, ibinalita sa’kin ng ate ko na siya ay positive sa covid19. Pagkabasa ko ng message nya, parang biglang lumaki ang ulo ko at namanhid ang buo kong katawan. Sinabi ko sa ate, na magpalakas ng katawan at gawin ang lahat, para mamatay ang virus sa katawan niya. Ilang gabi akong walang maayos na tulog. (Hindi ako makapag-isip ng maayos kahit sinisikap ko na maging normal ang pagkilos ko at huwag ipakita sa mga sisters ko, na lubha akong nag aalala para sa ate ko.) Madalas sa gabi, bumabangon ako at mula sa bintana, natingin ako sa langit sabay ang dasal sa Panginoon, “Lord, parang awa nyo na po, spare my sister, spare my family from covid19”. (Natutukso akong mangako ng maraming bagay na gagawin para kay Lord, iligtas lang ang ate ko, pero naisip ko na hindi ko yon ginawa sa buhay ko, na mangako sa Diyos para lang humingi ng anuman sa kanya.) Sa kaibuturan ng aking puso ang aking dasal ay “Lord, please, spare my family… but whatever you will allow to happen, please give us the grace to accept it”. Mahirap ibigay ang buong pagtitiwala sa Panginoon, lalo na kung ito ay taliwas sa nais natin. Pero sa aking karanasan, tunay na mapagpalaya ang pagtitiwala sa Diyos. Sabi   ng Panginoon sa aking puso, maraming pag-subok na akong ibinigay sa iyo, Edith, nagkulang ba ako ng grasya para malampasan ang lahat ng iyon? Tunay, mahalaga sa isang tao ang personal at malalim na ugnayan sa Diyos. Hilingin natin ang biyayang ito sa Kanya. Magbasa tayo ng banal na kasulatan na laging gagabay sa ating landas. Amen.