Daughters of Saint Paul

MAY 23, 2020 – SABADO SA IKA-ANIM NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 16:23-28

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang sinasabi ko sa inyo na anumang hilingin n’yo sa Ama sa Ngalan ko ay ipagkakaloob niya sa inyo. Wala pa kayong nahiling sa Ngalan ko. Humiling kayo ngayon at tatanggap kayo at malulubos ang kagalakan ninyo. Sa mga paghahambing ko lamang ipinahayag sa inyo ang mga ito. Ngunit palapit na ang oras na hindi na ako gagamit ng paghahambing kundi tahasan ko nang ihahayag sa inyo ang tungkol sa Ama.

Sa ngalan ko kayo hihiling sa araw na iyon; hindi ko ibig sabihin na hihingi ako sa Ama, alang-alang sa inyo ngunit mismong ang Ama ang umiibig sa inyo, dahil umiibig kayo sa akin at naniniwala na mula ako sa Diyos. Galing ako mula sa Ama at dumating sa mundo. Muli kong iniiwan ang mundo at papunta sa Ama.”

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, mula sa panulat ni Fr. Albert Garong ng Society of St. Paul!   “Sino ang Diyos para sa iyo?” Di ko malimutan kung paanong sa isa sa mga pinakauna kong klase sa Theology, ito ang naging pambungad na tanong ng aming professor. Paliwanag niya: lahat kasi dito nagsisimula sa tanong na ito. Kasi ang pagkakakilala mo sa Diyos ang siyang magdidikta kung ano ang magiging tugon mo sa kanya, kung paano ka mamumuhay ayon sa iyong pananampalataya. Sa ating ebanghelyo ngayong araw, binibigyang diin ni Hesus ang Diyos bilang Ama. Hindi lang ama niya, kundi ama nating lahat. Mahalagang intindihin natin ito. Ang bunga ng pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus ay hindi lang basta ang pagpapatawad ng ating kasalanan. Dahil kay Hesus at sa Espiritu Santong iniwan niya sa atin, lahat tayo ay naging mga ganap na anak ng Diyos! Kung anong pagmamahal ng Ama sa sarili niyang anak ay siya ring pagmamahal niya sa bawat isa sa atin. Tayong lahat ay bumubo ng isang pamilya ng ating Ama sa langit! Mga kapatid, tanggapin natin ng buong buo ang dakilang pag-ibig na ito na hindi lang tayo nililinis at nililigtas, kundi iniaangat ang ating pagkatao. At ating tanungin ang ating sarili: ano ang aking magiging tugon? Ang isip, salita, at gawa ko ba ay naaayon sa isang anak ng Diyos? Ang pagturing ko ba sa aking kapwa ay naayon sa kanilang bilang aking mga kapatid?