Daughters of Saint Paul

MAY 7, 2020 – HUWEBES SA IKA-APAT NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 13:16-20

Sinabi ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, walang aliping mas dakila sa panginoon niya, ni walang sinugong mas dakila sa nagpadala sa kanya. Kung nauunawaan ninyo ito, mapalad kayo kung isasagawa ninyo ang mga ito. “Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko. Kilala ko ang mga hinirang ko. Ngunit kailangang maganap ang kasulatan: ‘Ang nakikisalo sa aking pagkain ay nagpakana laban sa akin.’ Sinasabi ko na ito ngayon sa inyo bago pa mangyari upang manalig kayo na Ako Nga kapag ito ay nangyari. “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: ang tumatanggap sa ipinadadala ko ay sa akin tumatanggap, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa Amang nagpadala sa akin.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Narinig nating sinabi ni Jesus sa Ebanghelyo, na kilala Niya ang mga pinili Niya. Kilalang-kilala Niya tayo. Ano ang ibig ipakahulugan ng pagpapakilala ni Jesus na “Ako”.  Una, ang Ako ni Jesus, hindi natatali sa oras, Siya ang Kahapon, ang Ngayon, at ang Walang Hanggan. Ikalawa, ang “Ako” ni Jesus ay ang Kanyang pagiging Diyos at Tao. Balikan natin ang kutob ni Jesus na ipagkakanulo Siya ng Kanyang kaibigan, o tatraydorin siya. Pero nang sinabi Niya ang I AM, very firm Niya itong binigkas dahil alam Niya na kaisa Niya ang Diyos Ama sa kanyang pagiging Siya. Dahil ito ang loob ng Ama ang magpapakasakit, ang mapasailalim sa kapangyarihan ng Krus.  Dahil nasa pagkatao at pagiging Diyos Niya ang Ama, Siya ang mababayubay at mamamatay. Ngayong panahon ng Muling Pagkabuhay, ipinagmamalaki natin ito dahil  nakatatak na sa atin ang pagiging mga anak ng bukang liwayway! Ikatlo, ang I Am. Personal Siyang nagpapakilala. Di ba  araw-araw iniimbitahan niya tayo na magkaroon ng personal na connection sa Kanya? Ito yung magtapat at magyakap ang pagmamahal Niya at pagmamahal natin sa Kanya. Ano man ang sumasalubong sa atin sa bawat araw. Ma-NCOVid man, ang pagbaba ng ekonomiya ng maraming bansa, ang pananatili kung saan man tayo naroon, iisa ang patutunguhan. Ang kumapit sa Kanya at makilala Siya bilang I AM. Sa ganun, pinababalik tayo sa tunay na kahulugan ng pagiging AKO ng bawat isa sa atin. Ang identity natin bilang tao, nakaugat sa pagiging AKO ni Jesus, at ng Ama natin. Sige nga magpakilala uli tayo.  Sino AKO? Ako ang Anak ng Diyos. Mahal ni Jesus. O ikaw naman. Sino ka? Ikaw naman ang magpakilala.