Daughters of Saint Paul

HULYO 10, 2021 – SABADO SA IKA -14 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 10:24-33

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Hindi hihigit sa kanyang guro ang alagad, o higit sa kanyang amo ang utusan. Hangad lamang ng alagad na tularan ang kanyang guro, at ng utusan ang kanyang amo. Kung tinawag na Beelzebul ang may-ari ng bahay, ano pa kaya ang kanyang mga kasambahay! Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang tinatakpan na hindi nabubunyag at walang natatago na hindi nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ipahayag ninyo sa liwanag. Ang narinig ninyo nang pabulong, ipahayag mula sa bubong. Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Nabibili ang dalawang maya kahit na sa ilang sentimo, wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya. Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Dolores Montales ng Institute of our Lady of Annunciation o IOLA ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sa Biblia ang mga katagang “Hwag matakot ay mga katagang nagpapaalala sa atin kung gaano tayo pino-protektahan ng Panginoon sa bawat sandali ng ating buhay, katulad din ng paalala ng Panginoong Hesus sa kanyang mga Apostoles noong pinadala N’ya sila sa una nilang missionary journey.// Taong 2003 nang pinadala ako sa Macau kasama ang isa pang IOLA para mag-misyon.  Mag-manage ng Retreat House na pag-aari ng Diocese ng Macau ang pangunahin naming gawain.  Napuspos ng pag-aalala at takot ang aking puso noong makarating kami doon, dahil hindi ko alam kung anong mangyayari sa amin, kung saan kami tutuloy.  Napakalaki at malawak ang nasasakupan ng Retret House… Kami ang maglilinis at maghahanda ng lahat ng gagamitin ng mga retreatans… Dati na akong nagtrabaho bilang domestic helper sa HongKong. Kaya naisip ko, na walang pagkakaiba sa trabaho ko noon as domestic helper ang gagawin ko ngayon bilang missionary. (The ordinary works that I am doing now becomes extra-ordinary when offered to God, with God, and in God.) Napawi ang takot ko noon at naging matibay ang pagtitiwala ko sa Panginoon na Syang nagbigay sa akin ng lakas at tibay na ipagpatuloy ang mission na itinalaga nya sa akin.// 

PANALANGIN

Panginoon gabayan N’yo po kaming lahat na mga tinawag N’yo sa ibat ibang misyon sa buhay. Nang magampanan namin ito nang naaayon sa’yong mahal na kalooban. Amen.