Daughters of Saint Paul

HULYO 7, 2021 – MIYERKULES SA IKA -14 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 10:1-7

Tinawag ni Hesus ang Labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: una, si Simong tinatawag na Pedro, at ang kanyang kapatid na si Andres; si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan; sina Felipe at Bartolome, Tomas at Mateo, na tagasingil ng buwis; si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya. Sinugo ni Hesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: “Huwag kayong lumiko papunta sa mga pagano at huwag pumasok sa bayang Samaritano. Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang Kaharian ng Langit.’”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Anthony Basa ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. Mga kapatid, meron ka bang kaibigan, kapamilya, kapitbahay o kakilala na nawawala?  Nawawalan ng pag-asa, nawawalan ng tiwala, nawawalan ng lakas loob o nawawala sa tamang landas/ dahil sa iba’t ibang nangyayari ngayon sa ating mundo?  Kung meron ka mang kakilala, tinatawag ka ni Hesus upang ibalita o ipamahagi sa kanila/ na ang kaharian at kagandahang loob ng Diyos ay narito na.  Katulad ng pagtawag ni Hesus sa kanyang mga alagad, tayo rin ay kanyang sinusugo para ipahayag ang kaharian ng Diyos. Sa kanyang apostolic exhortation na “The Joy of the Gospel”, inaanyayahan tayo ni Pope Francis, bilang kasapi ng sambayanang Kristiyano, na maging “Missionary Disciple” o misyonerong disipulo. Personal na tinawag at sinugo ni Hesus ang kanyang mga alagad, at gayun din naman ang kanyang paanyaya sa atin. Ito ay personal na paanyaya.  Ang bawat isa sa atin ay tinatawag na isabuhay ang biyaya at kahulugan ng ating binyag sa pakikibahagi natin sa buhay ng simbahan, at sa ating mga salita at gawa na sumasaksi sa mabuting balita at sa kaharian ng Diyos.   Dagdag pa ni Pope Francis, ang bawat Kristiyano ay misyonero kapag nararanasan niya ang pag-ibig ng Diyos kay Hesukristo at ito ay kanyang isinasabuhay at ibinabahagi sa iba.  At ito ay nagmumula sa malalim na pagkakaibigan at pakikipag-ugnayan natin kay Hesukristo at lumalago sa bawat karanasan natin sa kanya sa pamamagitan ng kanyang mga salita at mga sakramento. Kapatid, handa ka na bang humayo at ibahagi ang mabuting balita ng Diyos?