Daughters of Saint Paul

Hunyo 04, 2017 LINGGO ng Pentekostes Dakilang Kapistahan

 

Gawa 2:1-11 – Slm 104 – 1 Cor 12:3b-7, 12-13 – Jn 20:19-23

Jn 20:19-23

Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Kapayapaan sa inyo!”

            Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon.

            At muli niyang sinabi sa kanila:  “Sumainyo ang kapayapaan! Gaya ng pagkakasugo sa akin ng Ama, gayon ko rin kayo ipinadadala.”  At pagkasabi nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatilihin naman sa sinuman ang inyong panatilihin.” 

PAGNINILAY

Mga kapatid, ngayon ang ikalimampung araw mula ng Muling Nabuhay ang Panginoong Jesus.  Nagtitipon noon ang mga alagad at mga naniniwala sa Panginoon para ipagdiwang ang Torah na ibinigay ng Diyos kay Moises.  Taglay ng Torah, ang turo at mga kautusan ng ating Panginoon na kailangan nilang isabuhay.  Matatagpuan natin ito sa unang limang aklat ng Lumang Tipan: ang Genesis, Exodo, Levetico, Mga Bilang at Deuteronomio.  Nagdadasal sila noon at nagkakantahan, nang biglang dumating ang Banal na Espiritu.  Napuspos sila ng biyaya, at nagsimula silang magsalita ng kani-kanilang wika.  Sa kabila ng iba-iba nilang wika, nagkakaintindihan sila.  Ganito kumilos ang Espiritu Santo.  Nang tinanggap ng mga alagad at mga naniniwala kay Jesus ang handog na Espiritu Santo, iyon ang kauna-unahan nilang pagkakataon na nabigyan sila ng katatagan ng loob na ipahayag ang Mabuting Balita ng kaligtasan na sila mismo ang nakasaksi at nakarinig mula kay Jesus.  Dati kumikilos sila sa pamumuno ni Jesus, pero ngayon, binigyan na sila tiwala bilang isang Simbahan.  Hanggang ngayon, taglay natin ang handog na ito.  Kaya napakadakila ng araw na ito sa atin.  Hindi lang natin sinasariwa ang tinanggap na misyon ng mga kauna-unahang kasapi ng ating Simbahan, kundi may panibago pang pangako sa atin ang ating Panginoon batay sa kasalukuyan nating sitwasyon.  Sa pananahan sa atin ng Kanyang Banal na Espiritu, pinupuspos tayo ng biyaya para maipahayag ang Kanyang pagmamahal sa lahat.  Tinitiyak rin Niyang sa bawat pagsisikap nating gumawa ng hakbang na mag-ambag ng ating munting kakayanan para masolusyunan ang korupsiyon, pagkamakasarili, pagkaganid sa kapangyarihan, kawalan ng takot sa Diyos, naroon Siya, palalakasin ang ating loob.  Umasa rin tayo, na papag-alabin ang ating puso para mapanibago ang kalooban ng maraming humihina ang pananampalataya.  Bawat isa sa atin, ibulong natin sa Kanya, “O Banal na Espiritu, tulungan Mo akong lubusang magtiwala Sa’yo.  Amen.”